Sa layuning maipakilala sa mga mag-aaral sa mga piling pampublikong hay-iskul sa Kamaynilaan ang mahahalagang kontemporanyong manunulat sa Panitikan ng Filipinas, magkatuwang na inilunsad ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) at ng National Book Development Board (NBDB) ang UMPIL-NBDB Lakbay Awtor para sa Kabataan (UNLAK) noong ika-7 ng Marso 2008 sa Maria Asuncion Tiñga High School sa Lungsod ng Taguig. Nagkaroon ng isang linggong eksibit ng mga aklat ni Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, sa aklatan ng nasabing paaralan. Nagkaroon ng pagkakataon ang mga mag-aaral na marinig ang panayam ni Almario tungkol sa kasaysayan ng kaniyang pagsisimula at mga adhikain niya bilang manunulat ng bayan. Matapos ang panayam, pumila ang mga mag-aaral upang kumamay, magpapirma, at magpakuha ng larawan kasama ni Almario.
Naganap sa Maria Concepcion Cruz High School noong ika-27 ng Hunyo ang ikalawang UNLAK at si Dr. Benilda S. Santos ang itinampok na awtor. Tulad ng nauna, naging mainit ang pagtanggap kay Santos lalo na’t sinikap niyang iagapay ang wika ng kaniyang panayam sa kakayahang makaunawa at matuwa ng mga bata.
Sa Mandaluyong City Science High School idinaos ang ikatlong UNLAK noong ika-25 ng Hulyo. Namangha ang mga mag-aaral sa mga ibinahaging teksto at retrato ni Dr. Marjorie Evasco na kagagaling-galing lamang noon sa isang pandaigdigang pagtatanghal ng tula sa bansang Mexico. Hinikayat pa niyang magsimulang magsulat ng tula ang mga bata sa pamamagitan ng paglikha ng mga bugtong.
Narito pa ang mga tampok na awtor, petsa, at lugar na pagdarausan ng mga susunod pang UNLAK para sa taong ito:
F. Sionil Jose, 7 Nobyembre, Bangkal High School, Lungsod ng Makati
Isagani Cruz, 28 Nobyembre, San Joaquin High School, Lungsod ng Pasig
Jose F. Lacaba (tentatibo), 12 Disyembre, Pateros National High School
Para sa mga karagdagang impormasyon, maaaring magtanong sa Komite ng Edukasyon ng UMPIL na pinamumunuan ni Michael M. Coroza. Maaari siyang tawagan sa 4266001 loc 5320 o sa 0919-2405215.
Leave a Reply