Message from the Chairperson

(S)ulat sa Kapuwa Manunulat

MAHAL KONG KA-UMPIL:

Magandang araw po!

Unang-una po naming hakbang sa Kalupunan ay ang pinakamaingat—ang pagtiyak kung saan tayo nagmula at kung saan tayo patungo!

Kung kaya nagkaroon tayo pagninilay-nilay noong 27 at 28 Oktubre 2007 sa Soka Gakkai sa Lungsod Tagaytay.

Noon at doon po kami lumingon sa pinanggalingan sa pamamagitan ng pag-uusisa ng ating Saligang Batas at pag-urirat ng ating Artikulo ng Inkorporasyon.

Noon at doon din po kami sumubok makarating sa paroroonan sa tulong ng aming mga panukalang komite na pamumunuan ng 15 kasapi ng Lupon:
Enmiyendang Pangkonstitusyon (Ad Hoc), Kongreso, Kasapian, Kapakanan at Benepisyo, Pinansiya, Publisidad, Etika, Adbokasiya, Eleksiyon, Edukasyon at Pagsasanay, Gantimpala at Grant, Publikasyon, Kinatawang Rehiyonal para sa Luzon, Kinatawang Rehiyonal para sa Visayas, at Kinatawang Rehiyonal para sa Mindanao.

Nasundan pa ito ng mahalagang pulong noong 30 Nobyembre 2007 sa Anvil Conference Room na naging saksi sa paglalatag ng ating mga balakin.

Ginulantang tayo ng biglaang pagpanaw noong 22 Disyembre ng ating Chairman Emeritus Adrian E. Cristobal at nang pinagpugayan natin siya kasama ang Samahang Plaridel noong kanyang kaarawan noong nakaraang 20 Pebrero sa Hotel Sofitel, UMPIL pa ang binigyan ng Pamilya Cristobal ng P139,000 bilang puhunan para sa tatawaging Adrian Cristobal Fund.

Nasundan ito ng panayam ng isa pa nating Chairman Emeritus na si Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario dalawang araw bago ang kanyang kaarawan noong nagdaang 7 Marso sa Maria Asuncion Tiñga High School sa Upper Bicutan, Taguig City.

Tagumpay po ito kaya minabuti ng Komite ng Edukasyon at Pagsasanay sa ilalim ng liderato ni Prof. Mike Coroza ang makipagtulungan sa National Book Development Board (NBDB) upang ibunsod ang UNLAK o UMPIL-NBDB Lakbay-Awtor para sa kabataan. Formal itong nasimulan nang magpa-UNLAK si Dr. Benilda S. Santos noong 27 Hunyo sa Concepcion Cruz High School sa Lungsod Pateros at si Prof. Marjorie Evasco noong 25 Hulyo sa Mandaluyong Science High School sa Lungsod Mandaluyong.

Habang natuto tayo sa mga karanasang ganito, lalo nating natatanto na dapat isaalangalang ang kapakanan ng mga manunulat na tinitingala hindi lamang ng mga mag-aaral kundi ng mga guro ring akala sa karamihan sa atin ay sumakabilang-buhay na.

Nawa UMPIL ang maging tulay sa pagitan ng mga manunulat at ng mambabasa o manonood—at ng pabliser o prodyuser.

Sa araw na ito, kailangan namin kayo upang maging kabalikat sa pagtupad ng marami pa nating mga pangarap tulad ng WRITERS WELFARE ACT at iba pang programa at proyektong magbibigay ng ringal at rangal sa talinong kaloob sa atin ng Maykapal.

Gumagalang,

VICTOR EMMANUEL CARMELO D. NADERA, JR.
Tagapangulo